Kung
ang pasismo ay isang tao, maaari nating direktang itanong kung sino ang kaniyang
ina. Walang gustong umako sa kaniya bilang isang anak. Kapwa ang kapitalismo at
sosyalismo ay ikinakaila siya dahilan sa kaniyang pangit na reputasyon sa
kasaysayan.
Isang "libertariang
makakaliwa" ang nag-ugnay sa pasismo at kapitalismo. Ito ay
naaayon sa obserbasyon ni Mises na ang ganitong pananaw ay bunga ng pagbabago
sa semantiko ng mga komyunistang intelektuwal. Sa katunayan, kasama ang Nasismo,
ang Pasismo ay inilarawan bilang "ang pinakamataas at huli at pinaka-ubod
samang yugto ng kapitalismo" (Mises, Planned Chaos, 1951, p. 29). Gayunpaman,
kung ating susuriin ang ikapitong bahagi ng "Planned Chaos" mababasa
natin ang aktwal na pananaw ni Mises sa pasismo.
Para
kay Mises, ang pasismo ay "nagsimula sa hiwalayan sa grupo ng mga Marxista
sosyalista" (p. 32). Ito ay naganap sa Italya nang taong 1914. Malaki
ang bahagi ni Benito Mussolini sa kasaysayang ito. Siya ay itinuturing na
pinakamahusay na lalake sa Italyanong sosyalismo (p. 30). Si Mussolini ay isang
mahusay na kampeon ng Marxistang sosyalismo. Pansinin kung paano inilarawan ni Mises
ang kasigasigan ni Mussolini:
"Walang sinuman ang maaaring humigit kay Mussolini sa kasigasigan
sa paniniwalang Marxismo. Siya ang kampeon ng purong pananampalataya, ang
matigas na tagapagtanggol ng mga karapatan ng pinagsamantalahan mga manggagawa,
ang propeta ng sosyalismo. Siya ay kalaban ng pagkamakabayan, nasyonalismo,
imperyalismo, monarkiya at lahat ng mga kredong panrelihiyon "(ibid.).
Ngunit
may mabigat na sagabal kay Mussolini. Ang mga Italyanong intellektuwal ay mga
nasyonalista. Nagbago ang isipan ni Mussolini at siya ay pumanig sa mga
nasyonalista na nagging daan upang ang partidong Pasista ay mabuo.
Tinuligsa
si Mussolini ng mga laban sa pasista dahilan sa kaniyang pagtalikod sa Marxismo.
Ngunit ng makaranas ng kabiguan ang mga komyunista nang taong 1920, ang mga
masa ay sumanib sa partido ni Mussolini.
Hindi
totoo ang ipinagmamalaki ni Mussolini na "siya ang nagligtas sa Italya
mula sa panganib ng komunismo" (p. 31). Ang pasismo "ay hindi ang
dahilan, kundi ang kinahinatnan ng kabiguan ng komyunismo" (ibid.).
Para
kay Mises, ang mga katangian ng pasismo ay nagpapatunay lamang na ito ay hindi
nagmula sa kapitalismo, kundi sa sosyalismo. Ito ay na tinatawag na "marubdob
na sa salungat sa kapitalismo" (p.31) sa kabila na "hindi nito sinugpo
ang pang-industriya at pananalaping mga korporasyon" (p.32). Marahil,
ito ang dahilan kung bakit nabanggit ni “libertarian makakaliwa” ang kaugnayan sa
pagitan ng pasismo at kapitalismo. O marahil, ang isa pang dahilan ay ang “korporatibismo”
na binalangkas ng mga pasistang pantas.
Ang
korporatibismo ay isang konsepto ng "sariling-pamahalaan ng industriya"
(p.31) na hiniram mula sa Britanya. Binuo ni Mussolini at ng kanyang mga
iskolar ang konseptong ito bunga ng kanilang paghahanap ng pang-ekonomiyang
pilosopiya upang bigyang-katwiran ang pasismo. Gayunpaman, ang korporatibismo
ay mahusay lamang sa papel.
Ang
pasismo ay kakikitaan ng pagkapanatiko sa nasyonalismo. Ito ay isang uri
ng hybrid na nabuo mula sa mga elementong Alemanya at Rusong anyo ng sosyalismo
na may mga karagdagang mga ideya hango sa iba pang mga di-sosyalistang pananaw.
Ang interventionistang patakaran nito ay dinisenyo sa wangis ng Nasismo. Ang
pagka-agresibo nito ay kinopya sa mga tagapagpauna ng Nazismo. Ang estilo ng
pamahalaan ay katulad ng diktaturang Russiano. Ang pang-ekonomiyang programa ay
hiram mula sa hindi Marxistang Aleman. Bukod dito, ito rin ay nagbigay ng
pakunwaring serbisyo sa kalayaan ng pag-iisip at pamamahayag at karapatan ng pagpupulong.
Ang pasismo
ay nalibing na sa kasaysayan subalit ang mga puwersa na nagbigay buhay dito ay
nananatili pa rin. Nagbigay si Mises ng seryosong babala sa kanyang mga
mambabasa na malaki ang possible na muling mabuhay ang pasismo sa ilalim ng
isang bagong pangalan.
Sino
sa tingin niyo ang ina ng pasismo?" Maaari mong paniwalaan ang mga sinulat
ni "libertariang makakaliwa" o ang mga salita ng Mises.
Humanga
ako kay libertariang makakaliwa sa pagrekomenda sa “Human Action” na aklat ni
Mises bilang "hindi mapag-aalinlanganang pundasyon ng libertariang
pang-ekonomiyang pag-iisip." Para sa akin, ito ay nagpapakita ng kanyang
respeto kay Mises at pagkilala sa impluwensiya ng “Human Action” sa ekonomyang
pampulitika. Sa aking karanasan sa sa social network, ang mga makakaliwa na
aking nakausap ay winawalang bahala ang kontribusyon ni Mises. Ang duda ko, ito
ay maaaring ng kayabangan o kamangmangan.