Sa artikulong ito batay sa "Planned Chaos",
iminumungkahi ko na huwag niyong masyadong seryosohin ang mga sinusulat ko.
Batid ko ang kabigatan ng paksa. Dangan nga lamang ay hindi ko maiwasan
ang hilig sa pagbabasa lalo na sa napapanahong paksang tulad nito. Ito ay libangan
ko na.
Nababatid ko din na ang ilang mga impormasyon
sa materyales na aking binasa ay maaaring hindi na angkop sa kontemporaryong talakayan sa ekonomiya at
politika. Isa lang akong baguhang mag-aaral sa larangang ito at wala pa akong
sapat na kakayanan upang kritikal na tasahin ang mga panitikan
hango sa Austrianong paaralan ng ekonomiya at libertariang ekonomyang
pampulitika. Ang aking mithiin sa kasalukuyan ay tungo sa landas ng
pagkaunawa at kung bibigyan daan ng Diyos na lumago ang aking pagkaunawa sa
paglipas ng mga taon, nasa ko rin na
magsulat tungkol sa aking tunay na layunin, ang maka-Kristiyanong pananaw sa
ekonomiya at may kinalaman sa Reformed libertarianism.
Kamakailan lamang, natagpuan ko ang blog na ito. Nagpapasalamat
ako C. Jay Enjel
sa muling pagbabalik sa aking atensiyon kanila Gordon Haddon Clark at John
William Robbins. Wala akong kabatiran ukol sa kanilang mga kontribusyon sa
pang-ekonomiya at pampulitikang talakayan. Humanga ako sa profile ni Robbins. Ang
kanyang mga degree sa akademya mula sa kanyang bachelor hanggang sa kanyang doctoral
ay may kaugnayan sa teoryang pampulitika.
Mga demonyo, ang Bibliya at Reason
Pagkatapos ng mahabang panimula, hayaan niyong
balikan ko ang aking paksa, "Ang Paglaya ng mga Demonyo". Batid
ko na ito ay isang napaka-kontrobersyal na paksa. Gayunpaman, ang “mga
demonyo” na tinutukoy ni Mises ay walang kinalaman sa pananaw ng karamihan na
tumutukoy sa espirituwal na mga nilalang.
Ang paniniwala sa mga bagay na ito ay maituturing
na kahibangan sa panahon na kung saan ang larangan ng akademya ay pinaghaharian
ng mga naturalista at mga hindi naniniwala sa Diyos. Ang mga kuwento sa Bibliya
na nagpapatunay ng ganitong klaseng mga nilalang ay walang puwang para sa
lohikal na talakayan.
Ang simpleng pagbabasa ng Bibliya lalo na ang mga
Ebanghelyo, matatagpuan natin dito ang maraming mga salaysay ukol sa
pagkakaroon ng mga demonyo. Bukod dito, mula sa pananaw ng kamatayan ni
Cristo sa krus ng kalbaryo, si Satanas at ang kanyang mga kampon ay nalupig ng ganap.
Gayunpaman, kung tayo ay titingin sa umiiral
na mga pangyayari sa pulitika at ekonomiya, madaling ipagwalang bahala ang
paniniwalang nabanggit na ito ay isa lamang pamahiin. Maaaring tiisin ng karamihan
ang ganitong pamahiin bilang bahagi ng personal na paniniwala, subalit tiyak na
hindi ka papayagan kung iyong igigiit na ang tagumpay na nabanggit ay may kinalaman
sa politika at ekonomiya. Wala tayong makikitang koneksiyon sa pagitan ng espirituwal
na mundo at natural na mundo.
Sa aking pagkaunawa, ganito mangatuwiran ang
mga tao sa ngayon. Hindi ko na nais talakayin ang detalye ukol sa likas na
katangian ng pangangatwiran ng tao. Sa mga interesado, basahin na lamang
ang pangkalahatang pananaw ng Reformed sa pangangatwiran ng tao na matatagpuan
sa mga links na ito:
Ang Kahulugan ng Rebolusyon ni Lenin
"Ang Kalayaan ng mga Demonyo" ay ang
ikaanim na bahagi sa "Planned Chaos". Sadyang nilaktawan ko ang dalawang
bahagi - "Ang Kapusukan ng Russia" at "Ang Hidwang Paniniwala ni
Trotsky". Nagbigay sila ng mga mahalagang impormasyon sa kasaysayan,
subalit sa tingin ko ay higit na mahalaga ang impormasyon ng ika-anim na bahagi.
Si Lenin ay umakyat sa kapangyarihan noong
1917. Kakaiba ang pagtatasa ni Mises sa kahalagahan ng rebolusyon ni Lenin
kung ihahambing sa pananaw ng mga komyunista. Para sa kanya, walang gaanong
ginampanan na mahalagang papel si Lenin sa paglaganap ng impluwensiya ng
sosyalismo. Ang Gitna at Kanlurang mga bahagi ng Europa ay nasa ilalim na ng mga
patakarang sosyalista bago pa man malagay sa kapangyarihan si Lenin. Kung
magkagayon, ang konrtibusyon ni Lenin ay matatagpuan sa binanggit ni Mises ukol
sa "pagpapalaya ng mga demonyo".
Ang tinutukoy ni Mises sa mga salitang ito ay
ang "pagsabog ng hindi mapipigilang prinsipiyo ng karahasan at paninikil."
Ito ay ang pagbibigay ng lehitimong saligan sa paniniil at paggamit ng dahas
laban sa lahat ng mga sumasalungat sa diktadura.
Paano ito isinagawa ni Lenin? Bago
dumating si Lenin, ang sibilisayon ng tao ay naniniwala sa lehitimong gampanin
ng pamahalaan at sa panuntunan ng batas. Bahagi ng disenyo ng batas ay maprotektahan
ang mga mamamayan mula sa pag-abuso sa kapangyarihan ng pamahalaan. Gayunpaman,
dahil sa likas sa tao ang gumawa ng mga pagkakamali, kapwa ang gobyerno at
batas ay maaaring gamitin sa maling kaparaanan. Nakalulungkot ang ganitong mga
pangyayari. Subalit higit na kalunus-lunos kung gagawing lehitimo ang "walang
limitasyong kapangyarihan" ng isang diktador. Ito ay higit na mapanganib kaysa
sa maling paggamit ng pamahalaan at batas.
Sa ganang akin, ang lunas sa pang-aabuso ng
pamahalaan at maling paggamit ng mga batas ay wala sa rebolusyon o diktadura, kundi
nasa wastong paggamit.
Ang kampanya at estratehiya upang palaganapin
ang ideya ng lehitimong paggamit ng dahas ay pinasimulan sa pamamagitan ng
pagpapasama sa paningin ng publiko sa sinumang naninindigan sa panuntunan ng
batas. Sila ay inakusahan na "individualistic" at
"makasarili". Ang pitagan sa batas ay pinalitan ng mga sumasamba sa
karahasan at pagdanak ng dugo. Ang layunin ay upang maitaguyod ang isang
estado para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Ang kalayaan ay sentro sa labanan sa pagitan
ng panuntunan ng batas at estado para sa kapakanan ng mga mamayan. Sa
dahilang kaakibat ng paniniwala sa panuntunan ng batas ang kapitalismo,
demokrasya at pang-ekonomiyang kaunlaran, mahirap itong labanan ng harapan. Ang
mga sosyalista ay nag-isip ng isang paraan.
Sa kanilang mga sariling pagtitipon, sila ay
nag-uusap pa rin ukol sa pagdating ng diktadura ng mga manggagawa. Ngunit sa
publiko, ipinangangaral nila ang kalayaan at demokrasya. Gayunpaman,
inilantad ng komunistang mga Russiano ang tunay na mukha ng sosyalismo. Ang
mensahe ng kaligtasan sa pamamagitan ng lehitimong paggamit ng pagdanak ng dugo
ay maaari ng ipangaral ng hayagan. Para kay Mises, ito ang tunay na
kabuluhan ng rebolusyon ni Lenin at ang kahulugan ng paglaya ng mga demonyo.
Sa pagbabasa ng bahaging ito, natanto ko na
isa pang anyo ng sosyalismo ang umiiral - ang pasismo. Kung magkagayon
tatlo ang mga anak ng sosyalismo - komunismo, pasismo at Nasismo. Subalit ang
mga komyunista ay tumututol na ikategorya ang Nasismo at pasismo bilang anyo ng
sosyalismo. Sa halip, naniniwala sila na ang mga ito ay "ang pinakamataas
at huli at pinakamasamang yugto ng kapitalismo." Ito ang dahilan kung
bakit hanggang sa kasalukuyan ay bukas ang talakayan sa pinagmulan ng pasismo
at Nasismo. Kaninong mga anak ang mga ito? Sa sosyalismo o sa kapitalismo? Sa kaliwa
o sa kanan? Ngunit isang bagay ang sigurado: ang pasismo, Nasismo at komunismo ay
kakikitaan ng iisang diktatoryal na ambisyon.
Ang pag-uugnay ng pasismo at Nasismo sa
kapitalismo ay bunga ng pagbabago sa semantiko ng mga komunistang intelektwal. Umabot
sila sa punto na kanilang tinatagurian na pasista ang "bawat tagapagtaguyod
ng malayang sistema ng pakikipagkalakalan".
Sa huling parte ng bahaging ito, tinanggap ni
Mises ang katotohanan na mayroon ding mga hindi kabilang sa grupo ng mga sosyalista
ang nangarap ng isang rebolusyon. Subalit napakaliit ng grupong ito. Sila ay
walang sapat na kapangyarihan dahilan sa kaliitan ng kanilang bilang at kawalan
ng ideyolohiya. Maliban sa mga Stahlhelm na mga Aleman at mga Cagolards na
Pranses, ang oligarkiyang anyo ng rebolusyon ay wala ng karagdagan pang
impluwensiya.