Ipinapakita ang mga post na may etiketa na capitalism. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na capitalism. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Marso 1, 2013

Ang Ina ng Pasismo at ang Libertariang Makakaliwa


Kung ang pasismo ay isang tao, maaari nating direktang itanong kung sino ang kaniyang ina. Walang gustong umako sa kaniya bilang isang anak. Kapwa ang kapitalismo at sosyalismo ay ikinakaila siya dahilan sa kaniyang pangit na reputasyon sa kasaysayan.

Isang "libertariang makakaliwa" ang nag-ugnay sa pasismo at kapitalismo. Ito ay naaayon sa obserbasyon ni Mises na ang ganitong pananaw ay bunga ng pagbabago sa semantiko ng mga komyunistang intelektuwal. Sa katunayan, kasama ang Nasismo, ang Pasismo ay inilarawan bilang "ang pinakamataas at huli at pinaka-ubod samang yugto ng kapitalismo" (Mises, Planned Chaos, 1951, p. 29). Gayunpaman, kung ating susuriin ang ikapitong bahagi ng "Planned Chaos" mababasa natin ang aktwal na pananaw ni Mises sa pasismo.

Para kay Mises, ang pasismo ay "nagsimula sa hiwalayan sa grupo ng mga Marxista sosyalista" (p. 32).  Ito ay naganap sa Italya nang taong 1914. Malaki ang bahagi ni Benito Mussolini sa kasaysayang ito. Siya ay itinuturing na pinakamahusay na lalake sa Italyanong sosyalismo (p. 30). Si Mussolini ay isang mahusay na kampeon ng Marxistang sosyalismo. Pansinin kung paano inilarawan ni Mises ang kasigasigan ni Mussolini:

"Walang sinuman ang maaaring humigit kay Mussolini sa kasigasigan sa paniniwalang Marxismo. Siya ang kampeon ng purong pananampalataya, ang matigas na tagapagtanggol ng mga karapatan ng pinagsamantalahan mga manggagawa, ang propeta ng sosyalismo. Siya ay kalaban ng pagkamakabayan, nasyonalismo, imperyalismo, monarkiya at lahat ng mga kredong panrelihiyon "(ibid.).  

Ngunit may mabigat na sagabal kay Mussolini. Ang mga Italyanong intellektuwal ay mga nasyonalista. Nagbago ang isipan ni Mussolini at siya ay pumanig sa mga nasyonalista na nagging daan upang ang partidong Pasista ay mabuo.

Tinuligsa si Mussolini ng mga laban sa pasista dahilan sa kaniyang pagtalikod sa Marxismo. Ngunit ng makaranas ng kabiguan ang mga komyunista nang taong 1920, ang mga masa ay sumanib sa partido ni Mussolini. 

Hindi totoo ang ipinagmamalaki ni Mussolini na "siya ang nagligtas sa Italya mula sa panganib ng komunismo" (p. 31). Ang pasismo "ay hindi ang dahilan, kundi ang kinahinatnan ng kabiguan ng komyunismo" (ibid.).

Para kay Mises, ang mga katangian ng pasismo ay nagpapatunay lamang na ito ay hindi nagmula sa kapitalismo, kundi sa sosyalismo. Ito ay na tinatawag na "marubdob na sa salungat sa kapitalismo" (p.31) sa kabila na "hindi nito sinugpo ang pang-industriya at pananalaping mga korporasyon" (p.32). Marahil, ito ang dahilan kung bakit nabanggit ni “libertarian makakaliwa” ang kaugnayan sa pagitan ng pasismo at kapitalismo. O marahil, ang isa pang dahilan ay ang “korporatibismo” na binalangkas ng mga pasistang pantas.

Ang korporatibismo ay isang konsepto ng "sariling-pamahalaan ng industriya" (p.31) na hiniram mula sa Britanya. Binuo ni Mussolini at ng kanyang mga iskolar ang konseptong ito bunga ng kanilang paghahanap ng pang-ekonomiyang pilosopiya upang bigyang-katwiran ang pasismo. Gayunpaman, ang korporatibismo ay mahusay  lamang sa papel.

Ang pasismo ay kakikitaan ng pagkapanatiko sa nasyonalismo. Ito ay isang uri ng hybrid na nabuo mula sa mga elementong Alemanya at Rusong anyo ng sosyalismo na may mga karagdagang mga ideya hango sa iba pang mga di-sosyalistang pananaw. Ang interventionistang patakaran nito ay dinisenyo sa wangis ng Nasismo. Ang pagka-agresibo nito ay kinopya sa mga tagapagpauna ng Nazismo. Ang estilo ng pamahalaan ay katulad ng diktaturang Russiano. Ang pang-ekonomiyang programa ay hiram mula sa hindi Marxistang Aleman. Bukod dito, ito rin ay nagbigay ng pakunwaring serbisyo sa kalayaan ng pag-iisip at pamamahayag  at karapatan ng pagpupulong.

Ang pasismo ay nalibing na sa kasaysayan subalit ang mga puwersa na nagbigay buhay dito ay nananatili pa rin. Nagbigay si Mises ng seryosong babala sa kanyang mga mambabasa na malaki ang possible na muling mabuhay ang pasismo sa ilalim ng isang bagong pangalan.

Sino sa tingin niyo ang ina ng pasismo?" Maaari mong paniwalaan ang mga sinulat ni "libertariang makakaliwa" o ang mga salita ng Mises.

Humanga ako kay libertariang makakaliwa sa pagrekomenda sa “Human Action” na aklat ni Mises bilang "hindi mapag-aalinlanganang pundasyon ng libertariang pang-ekonomiyang pag-iisip." Para sa akin, ito ay nagpapakita ng kanyang respeto kay Mises at pagkilala sa impluwensiya ng “Human Action” sa ekonomyang pampulitika. Sa aking karanasan sa sa social network, ang mga makakaliwa na aking nakausap ay winawalang bahala ang kontribusyon ni Mises. Ang duda ko, ito ay maaaring ng kayabangan o kamangmangan.

Huwebes, Pebrero 28, 2013

Ang Paglaya ng mga Demonyo



Sa artikulong ito batay sa "Planned Chaos", iminumungkahi ko na huwag niyong masyadong seryosohin ang mga sinusulat ko. Batid ko ang kabigatan ng paksa. Dangan nga lamang ay hindi ko maiwasan ang hilig sa pagbabasa lalo na sa napapanahong paksang tulad nito. Ito ay libangan ko na.

Nababatid ko din na ang ilang mga impormasyon sa materyales na aking binasa ay maaaring hindi na angkop  sa kontemporaryong talakayan sa ekonomiya at politika. Isa lang akong baguhang mag-aaral sa larangang ito at wala pa akong sapat na kakayanan upang kritikal na tasahin ang mga panitikan hango sa Austrianong paaralan ng ekonomiya at libertariang ekonomyang pampulitika. Ang aking mithiin sa kasalukuyan ay tungo sa landas ng pagkaunawa at kung bibigyan daan ng Diyos na lumago ang aking pagkaunawa sa paglipas ng mga taon,  nasa ko rin na magsulat tungkol sa aking tunay na layunin, ang maka-Kristiyanong pananaw sa ekonomiya at may kinalaman sa Reformed libertarianism.

Kamakailan lamang, natagpuan ko ang blog na ito. Nagpapasalamat ako C. Jay Enjel sa muling pagbabalik sa aking atensiyon kanila Gordon Haddon Clark at John William Robbins. Wala akong kabatiran ukol sa kanilang mga kontribusyon sa pang-ekonomiya at pampulitikang talakayan. Humanga ako sa profile ni Robbins. Ang kanyang mga degree sa akademya mula sa kanyang bachelor hanggang sa kanyang doctoral ay may kaugnayan sa teoryang pampulitika. 

Mga demonyo, ang Bibliya at Reason

Pagkatapos ng mahabang panimula, hayaan niyong balikan ko ang aking paksa, "Ang Paglaya ng mga Demonyo". Batid ko na ito ay isang napaka-kontrobersyal na paksa. Gayunpaman, ang “mga demonyo” na tinutukoy ni Mises ay walang kinalaman sa pananaw ng karamihan na tumutukoy sa espirituwal na mga nilalang. 

Ang paniniwala sa mga bagay na ito ay maituturing na kahibangan sa panahon na kung saan ang larangan ng akademya ay pinaghaharian ng mga naturalista at mga hindi naniniwala sa Diyos. Ang mga kuwento sa Bibliya na nagpapatunay ng ganitong klaseng mga nilalang ay walang puwang para sa lohikal na talakayan.


Ang simpleng pagbabasa ng Bibliya lalo na ang mga Ebanghelyo, matatagpuan natin dito ang maraming mga salaysay ukol sa pagkakaroon ng mga demonyo. Bukod dito, mula sa pananaw ng kamatayan ni Cristo sa krus ng kalbaryo, si Satanas at ang kanyang mga kampon ay nalupig ng ganap.

Gayunpaman, kung tayo ay titingin sa umiiral na mga pangyayari sa pulitika at ekonomiya, madaling ipagwalang bahala ang paniniwalang nabanggit na ito ay isa lamang pamahiin. Maaaring tiisin ng karamihan ang ganitong pamahiin bilang bahagi ng personal na paniniwala, subalit tiyak na hindi ka papayagan kung iyong igigiit na ang tagumpay na nabanggit ay may kinalaman sa politika at ekonomiya. Wala tayong makikitang koneksiyon sa pagitan ng espirituwal na mundo at natural na mundo.

Sa aking pagkaunawa, ganito mangatuwiran ang mga tao sa ngayon. Hindi ko na nais talakayin ang detalye ukol sa likas na katangian ng pangangatwiran ng tao. Sa mga interesado, basahin na lamang ang pangkalahatang pananaw ng Reformed sa pangangatwiran ng tao na matatagpuan sa mga links na ito:




Ang Kahulugan ng Rebolusyon ni Lenin

"Ang Kalayaan ng mga Demonyo" ay ang ikaanim na bahagi sa "Planned Chaos". Sadyang nilaktawan ko ang dalawang bahagi - "Ang Kapusukan ng Russia" at "Ang Hidwang Paniniwala ni Trotsky". Nagbigay sila ng mga mahalagang impormasyon sa kasaysayan, subalit sa tingin ko ay higit na mahalaga ang impormasyon ng ika-anim na bahagi. 

Si Lenin ay umakyat sa kapangyarihan noong 1917. Kakaiba ang pagtatasa ni Mises sa kahalagahan ng rebolusyon ni Lenin kung ihahambing sa pananaw ng mga komyunista. Para sa kanya, walang gaanong ginampanan na mahalagang papel si Lenin sa paglaganap ng impluwensiya ng sosyalismo. Ang Gitna at Kanlurang mga bahagi ng Europa ay nasa ilalim na ng mga patakarang sosyalista bago pa man malagay sa kapangyarihan si Lenin. Kung magkagayon, ang konrtibusyon ni Lenin ay matatagpuan sa binanggit ni Mises ukol sa "pagpapalaya ng mga demonyo". 

Ang tinutukoy ni Mises sa mga salitang ito ay ang "pagsabog ng hindi mapipigilang prinsipiyo ng karahasan at paninikil." Ito ay ang pagbibigay ng lehitimong saligan sa paniniil at paggamit ng dahas laban sa lahat ng mga sumasalungat sa diktadura. 

Paano ito isinagawa ni Lenin? Bago dumating si Lenin, ang sibilisayon ng tao ay naniniwala sa lehitimong gampanin ng pamahalaan at sa panuntunan ng batas. Bahagi ng disenyo ng batas ay maprotektahan ang mga mamamayan mula sa pag-abuso sa kapangyarihan ng pamahalaan. Gayunpaman, dahil sa likas sa tao ang gumawa ng mga pagkakamali, kapwa ang gobyerno at batas ay maaaring gamitin sa maling kaparaanan. Nakalulungkot ang ganitong mga pangyayari. Subalit higit na kalunus-lunos kung gagawing lehitimo ang "walang limitasyong kapangyarihan" ng isang diktador. Ito ay higit na mapanganib kaysa sa maling paggamit ng pamahalaan at batas. 

Sa ganang akin, ang lunas sa pang-aabuso ng pamahalaan at maling paggamit ng mga batas ay wala sa rebolusyon o diktadura, kundi nasa wastong paggamit. 

Ang kampanya at estratehiya upang palaganapin ang ideya ng lehitimong paggamit ng dahas ay pinasimulan sa pamamagitan ng pagpapasama sa paningin ng publiko sa sinumang naninindigan sa panuntunan ng batas. Sila ay inakusahan na "individualistic" at "makasarili". Ang pitagan sa batas ay pinalitan ng mga sumasamba sa karahasan at pagdanak ng dugo. Ang layunin ay upang maitaguyod ang isang estado para sa kapakanan ng mga mamamayan.

Ang kalayaan ay sentro sa labanan sa pagitan ng panuntunan ng batas at estado para sa kapakanan ng mga mamayan. Sa dahilang kaakibat ng paniniwala sa panuntunan ng batas ang kapitalismo, demokrasya at pang-ekonomiyang kaunlaran, mahirap itong labanan ng harapan. Ang mga sosyalista ay nag-isip ng isang paraan.


Sa kanilang mga sariling pagtitipon, sila ay nag-uusap pa rin ukol sa pagdating ng diktadura ng mga manggagawa. Ngunit sa publiko, ipinangangaral nila ang kalayaan at demokrasya. Gayunpaman, inilantad ng komunistang mga Russiano ang tunay na mukha ng sosyalismo. Ang mensahe ng kaligtasan sa pamamagitan ng lehitimong paggamit ng pagdanak ng dugo ay maaari ng ipangaral ng hayagan. Para kay Mises, ito ang tunay na kabuluhan ng rebolusyon ni Lenin at ang kahulugan ng paglaya ng mga demonyo. 

Sa pagbabasa ng bahaging ito, natanto ko na isa pang anyo ng sosyalismo ang umiiral - ang pasismo. Kung magkagayon tatlo ang mga anak ng sosyalismo - komunismo, pasismo at Nasismo. Subalit ang mga komyunista ay tumututol na ikategorya ang Nasismo at pasismo bilang anyo ng sosyalismo. Sa halip, naniniwala sila na ang mga ito ay "ang pinakamataas at huli at pinakamasamang yugto ng kapitalismo." Ito ang dahilan kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay bukas ang talakayan sa pinagmulan ng pasismo at Nasismo. Kaninong mga anak ang mga ito? Sa sosyalismo o sa kapitalismo? Sa kaliwa o sa kanan? Ngunit isang bagay ang sigurado: ang pasismo, Nasismo at komunismo ay kakikitaan ng iisang diktatoryal na ambisyon. 

Ang pag-uugnay ng pasismo at Nasismo sa kapitalismo ay bunga ng pagbabago sa semantiko ng mga komunistang intelektwal. Umabot sila sa punto na kanilang tinatagurian na pasista ang "bawat tagapagtaguyod ng malayang sistema ng pakikipagkalakalan". 

Sa huling parte ng bahaging ito, tinanggap ni Mises ang katotohanan na mayroon ding mga hindi kabilang sa grupo ng mga sosyalista ang nangarap ng isang rebolusyon. Subalit napakaliit ng grupong ito. Sila ay walang sapat na kapangyarihan dahilan sa kaliitan ng kanilang bilang at kawalan ng ideyolohiya. Maliban sa mga Stahlhelm na mga Aleman at mga Cagolards na Pranses, ang oligarkiyang anyo ng rebolusyon ay wala ng karagdagan pang impluwensiya.