Biyernes, Marso 1, 2013

Ang Ina ng Pasismo at ang Libertariang Makakaliwa


Kung ang pasismo ay isang tao, maaari nating direktang itanong kung sino ang kaniyang ina. Walang gustong umako sa kaniya bilang isang anak. Kapwa ang kapitalismo at sosyalismo ay ikinakaila siya dahilan sa kaniyang pangit na reputasyon sa kasaysayan.

Isang "libertariang makakaliwa" ang nag-ugnay sa pasismo at kapitalismo. Ito ay naaayon sa obserbasyon ni Mises na ang ganitong pananaw ay bunga ng pagbabago sa semantiko ng mga komyunistang intelektuwal. Sa katunayan, kasama ang Nasismo, ang Pasismo ay inilarawan bilang "ang pinakamataas at huli at pinaka-ubod samang yugto ng kapitalismo" (Mises, Planned Chaos, 1951, p. 29). Gayunpaman, kung ating susuriin ang ikapitong bahagi ng "Planned Chaos" mababasa natin ang aktwal na pananaw ni Mises sa pasismo.

Para kay Mises, ang pasismo ay "nagsimula sa hiwalayan sa grupo ng mga Marxista sosyalista" (p. 32).  Ito ay naganap sa Italya nang taong 1914. Malaki ang bahagi ni Benito Mussolini sa kasaysayang ito. Siya ay itinuturing na pinakamahusay na lalake sa Italyanong sosyalismo (p. 30). Si Mussolini ay isang mahusay na kampeon ng Marxistang sosyalismo. Pansinin kung paano inilarawan ni Mises ang kasigasigan ni Mussolini:

"Walang sinuman ang maaaring humigit kay Mussolini sa kasigasigan sa paniniwalang Marxismo. Siya ang kampeon ng purong pananampalataya, ang matigas na tagapagtanggol ng mga karapatan ng pinagsamantalahan mga manggagawa, ang propeta ng sosyalismo. Siya ay kalaban ng pagkamakabayan, nasyonalismo, imperyalismo, monarkiya at lahat ng mga kredong panrelihiyon "(ibid.).  

Ngunit may mabigat na sagabal kay Mussolini. Ang mga Italyanong intellektuwal ay mga nasyonalista. Nagbago ang isipan ni Mussolini at siya ay pumanig sa mga nasyonalista na nagging daan upang ang partidong Pasista ay mabuo.

Tinuligsa si Mussolini ng mga laban sa pasista dahilan sa kaniyang pagtalikod sa Marxismo. Ngunit ng makaranas ng kabiguan ang mga komyunista nang taong 1920, ang mga masa ay sumanib sa partido ni Mussolini. 

Hindi totoo ang ipinagmamalaki ni Mussolini na "siya ang nagligtas sa Italya mula sa panganib ng komunismo" (p. 31). Ang pasismo "ay hindi ang dahilan, kundi ang kinahinatnan ng kabiguan ng komyunismo" (ibid.).

Para kay Mises, ang mga katangian ng pasismo ay nagpapatunay lamang na ito ay hindi nagmula sa kapitalismo, kundi sa sosyalismo. Ito ay na tinatawag na "marubdob na sa salungat sa kapitalismo" (p.31) sa kabila na "hindi nito sinugpo ang pang-industriya at pananalaping mga korporasyon" (p.32). Marahil, ito ang dahilan kung bakit nabanggit ni “libertarian makakaliwa” ang kaugnayan sa pagitan ng pasismo at kapitalismo. O marahil, ang isa pang dahilan ay ang “korporatibismo” na binalangkas ng mga pasistang pantas.

Ang korporatibismo ay isang konsepto ng "sariling-pamahalaan ng industriya" (p.31) na hiniram mula sa Britanya. Binuo ni Mussolini at ng kanyang mga iskolar ang konseptong ito bunga ng kanilang paghahanap ng pang-ekonomiyang pilosopiya upang bigyang-katwiran ang pasismo. Gayunpaman, ang korporatibismo ay mahusay  lamang sa papel.

Ang pasismo ay kakikitaan ng pagkapanatiko sa nasyonalismo. Ito ay isang uri ng hybrid na nabuo mula sa mga elementong Alemanya at Rusong anyo ng sosyalismo na may mga karagdagang mga ideya hango sa iba pang mga di-sosyalistang pananaw. Ang interventionistang patakaran nito ay dinisenyo sa wangis ng Nasismo. Ang pagka-agresibo nito ay kinopya sa mga tagapagpauna ng Nazismo. Ang estilo ng pamahalaan ay katulad ng diktaturang Russiano. Ang pang-ekonomiyang programa ay hiram mula sa hindi Marxistang Aleman. Bukod dito, ito rin ay nagbigay ng pakunwaring serbisyo sa kalayaan ng pag-iisip at pamamahayag  at karapatan ng pagpupulong.

Ang pasismo ay nalibing na sa kasaysayan subalit ang mga puwersa na nagbigay buhay dito ay nananatili pa rin. Nagbigay si Mises ng seryosong babala sa kanyang mga mambabasa na malaki ang possible na muling mabuhay ang pasismo sa ilalim ng isang bagong pangalan.

Sino sa tingin niyo ang ina ng pasismo?" Maaari mong paniwalaan ang mga sinulat ni "libertariang makakaliwa" o ang mga salita ng Mises.

Humanga ako kay libertariang makakaliwa sa pagrekomenda sa “Human Action” na aklat ni Mises bilang "hindi mapag-aalinlanganang pundasyon ng libertariang pang-ekonomiyang pag-iisip." Para sa akin, ito ay nagpapakita ng kanyang respeto kay Mises at pagkilala sa impluwensiya ng “Human Action” sa ekonomyang pampulitika. Sa aking karanasan sa sa social network, ang mga makakaliwa na aking nakausap ay winawalang bahala ang kontribusyon ni Mises. Ang duda ko, ito ay maaaring ng kayabangan o kamangmangan.